Sabado, Nobyembre 19, 2016

BLOGtasan: Ano ang Fliptop? Ito ba ang modernong sangkap?


FlipTop Battle League o ang tinatawag nating FlipTop ay ang kauna-unahan at pinaka malaking rap battle conference sa Pilipinas. Ang ligang ito ang nagsilbing impluwensya upang mas maitaguyod o mas sumikat ang Pinoy hiphop. Nakakakuha ng atensyon sa buong media ngayon, at para sa mga masa ngayon, FlipTop ang nagsilbing tugon, ngunit ito nga ba ang balagtasan sa modernong panahon?

"Pag-ibig, 'pag na'sok sa puso nino man, hahamakin ang lahat masunod ka lamang".

  Ito ay isa sa mga salita ng ating Ama ng panulaang tagalog na si Francisco Baltazar y dela Cruz o mas kilalang Francisco Balagtas. Ngunit ang taong ito, na si Francisco, siya nga ba ang nagpauso at nagpasimuno?
Ang balagtasan ay hinango lamang sa pangalan ni Balagtas noong Abril 1924 upang alalahanin ang kapanganakan nito. Dito nakilala sila  Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute), at Florentino Collantes(Kuntil Butil) at dahil sa mga balagtasista ay umusbong at nakilala ng lubusan ang tinatawag nating Balagtasan.

Sa paglipas ng panahon, bakit kailangan pa lumisan, Balagtasan? 

        Sa panahon ngayon, hindi na ito masyadong napapansin. Ang lahat ay may katapusan hangga't hindi nakakakuha ng akit sa kabataan ang balagtasan, ito'y mawawala at mapapalitan. Umusbong ang FlipTop sa modernong panahon, dapat nga bang tawagin na balagtasan sa ngayon?

Sa kakaibang modernong panahon at oras ang pagsibol ng FlipTop, na nakabase sa kulturang hip-hop.
FlipTop at balagtasan,  sa paglaban ng mga matulaing duwelo, dito nagkakaiba ang dalawang kampo. Ang dami ng manononood at tumatangkilik, ang mga aspeto ng magkaibang tinig, malaking pagkakaiba sa dalawang panig. Laitan, bastusan, pataasan, siraan, mas marumi, mas bulgar, laban sa pormal na pananalita na mayroon lamang na isang paksa. "Hindi ko ilalatag bilang suliranin ng panitikan ang pambihirang penomenon ng FlipTop sa popular na kultura sa kasalukuyan." Ito'y problema lamang ng mga taong nagdududa at pilit na kinukumpara ang dalawang sining na lubhang may pagkakaiba. Marahil ang lalong mahalaga ay muling naging karaniwan sa atin ang mga tula, at naipaalala sa atin ang kapangyarihan ng pananalinhaga. At itong Digmaan ng mga Makata ang naging dahilan para itaas ang antas sa ating wika.

Galangin ang FlipTop, wag masamain, ngunit hindi dapat tawagin, at hindi dapat pilitin, at dapat sabihin na isang bagong sining ang modernong talastasan na tinatawag nating FlipTop. Lahat ay may pagkakaiba, at hindi na kailangan pagtalunan pa, lahat ay may pagkakaiba, ngunit dapat ay may pagkakaisa. Nang pumasok ang FlipTop at kamatayan ni Balagtas noong Pebrero ay sadyang magkapareho, ngunit dapat nating buhayin at tangkilikin ang mga salitang ginamit na may lubos na pinagbago, sa magkaibang grupo na nabuo sa magkaibang mundo. FlipTop man o Balagtasan, isa lang ang katotohanan, ang pagpapahayag ng kultura at ang ating kaluluwa ay hindi mapipigilan. Magkaibang sining man, ang mahalaga, tayo'y nagmamahalan.

Laging tandaan "Ang tugma at talinghaga ang ilan lamang sa mga importanteng sangkap upang mabuhay ang ating bayan."